“Mga Basang Unan”

“Mga Basang Unan”

words By : Juan Miguel Severo

Noong iwan mo ako ng walang pasabi,
o pangako ng pagbabalik, umiyak ako buong gabi.
Umiyak ako nang sobrang tindi; kinailangan kong ibilad sa araw ang unan ko kinabukasan.
Ang sarap pala sa pakiramdam ng patulugin ka ng sarili mong pag-iyak. Naisip ko, hindi pinakuluang dahon ng bayabas, o alak, ang sagot sa ganitong klaseng sakit.
Luha ang pinakamabisang pang-langgas sa sugat ng puso.
Kaya… inaraw-araw ko ito.
Sinisimulan at tinatapos ko ang mga araw na binabalikan ang mga sugat na iniwan mo.
Iniisa-isa ko ang mga alaala’t hinahanap kung saan sila bumaon dito sa puso ko. Nakakatawa.
Ang akala ko noon, kung dumating man ang araw na ‘to, puro mga alaala ng away at hindi natin pagkakasunduan ang iintindihin ko, kasi ‘yun, mahirap gamutin; na sila, kahit ilang balde na ng luha ang aking pigain mula sa mga mata ko, magdurugo pa rin.
Pero mas nagdurugo ako para sa mga tawa mo. Mas nagdurugo ako sa mga patawa mo. Mas nagdurugo ako sa mga yakap mo, sa kung paanong ang balat ko ay parang nalalapnos kapag dahan-dahan mo akong hinahaplos at ang hininga ko ay nahahapo at kinakapos kapag niyayapos kita.
Nagdurugo ako noong umalis ka, pero mas nagdurugo ako sa unang gabi na pinili mong manatili. Nagdurugo ako noong gabing sabihin mo na ayaw mo na, pero mas nagdurugo ako noong gabing tanungin mo ako kung pwede pa ba? Nagdurugo ako noong gabing tinalikuran mo ako, pero mas nagdurugo ako na noong pagtalikod ko, nandun ka pa.
At nagdurugo ako. At nagdurugo ako. At nadudurog at nadudurog at nagdurugo pa rin ako sa alaala na ikaw pa ang mas naunang nagsabi ng, “Mahal kita.”
Mahal kita. Kung titignan nang maigi ang mga salitang isinulat ng mga sugat na iniwan mo, ‘yang dalawang ‘yan ang mababasa ko: Mahal kita. At sa inaraw-araw ng pagbibilad kong gan’to, nagmamanhid na sila. Mahal kita. At sa dinami-rami ng luha na pinang-langgas ko rito, naglalamig na sila. Mahal kita. At sa hinaba-haba ng panahon na ginugol ko sa gamutan, nagmamanhid na sila. Mahal kita. At sa tinagal-tagal nitong kumikirot sa dibdib ko, medyo nakakasanay na. Mahal kita. At sa tinatagal-tagal ng panahon na ginugol ko sa gamutan, magsasara na sila. Magsasara, at magiging mga pilat na paulit-ulit kong mababasa at ang parati lang sasabihin ay mahal kita.
Mahal, kung magkita man tayong muli at tanungin mo kong muli kung pwede pa ba, ang hihilingin ko lang sa’yo ay mga bagong unan. Dahil ang lahat ng sa akin ay akala mo’y naulanan. Dahil lahat sila ay akin nang naiyakan at nag-iwan ng mga kwento natin. Ayaw ko nang matulog sa mga unang basa at malunod sa pagtulog sa alaala na mahal kita, mahal pala kita, na mahal pa rin pala kita. At sa wakas, hindi na kasing sakit ng dati.
Pero mahal, masakit pa.
———-

___________________________________

credit to:http://www.manillenials.com/best-tagalog-spoken-word-poetry-performances/

watch here:https://youtu.be/jB-lnw9vqTc

Sa pagitan ka natagpuan

Sa pagitan ka natagpuan

by Maimai Cantillano

Parati kong naririnig ang dalawa sa mga uri ng pag-ibig
Tamang pag-ibig ngunit maling panahon
Tamang panahon, ngunit maling pag-ibig
Hindi ko alam kung alin tayo sa dalawa
Kung tama pa ba o mali na

Nasaan ka na ba?
Hindi na ba talaga tayo magkakatagpo?
Dahil kung ito’y tagu-taguan,
Hindi ko alam kung sino sa atin ang taya
O kung sino sa atin ang nawawala
Napapakaliwanag ng buwan
Ngunit hanggang ngayon hindi pa rin tayo magkakitaan
Hindi ko alam kung sino ba sa atin ang nagtatago
Dahil matagal nang tapos ang isa hanggang sampu
Matagal na rin akong umalis saking pinagtataguan
At ngayon, patuloy na naglalakad sa kawalan na dati ay kalawakan
Kalawakan na sabay nating pinagmamasdan
Sa ilalim ng nagniningning na mga bituin
Kasama ang mga alitaptap na sumusulyap sa pag-ibig natin
Ngunit sino bang nagtatago? At sino ang naghahanap
Lumalalim na ang gabi ngunit hanggang ngayon wala ka pa rin sa aking tabi
Kaya’t sabi ko
Hindi na ako pwedeng maglaro
Hahanapin kita kaya’t ako’y tumayo
Wala akong pakealam kung ako’y madapa
O kung ako ma’y mataya
Isinantabi ko ang takot ko sa dilim
O sa kung anong nasa likod ng dilim
Dahil kailangan kitang bawiin sa tadhana
Hindi ko alam kung paano pero babawiin kita
Hahanapin kita
Kahit nasaan ka pa
Hahanapin kita
Hahanapin kita

At nakita na nga kita
Natagpuan kita sa pagitan ng gabi at umaga
Hindi alam kung magpapatuloy pa
Kung nanakawin pa ang mga tala para sa akin
Dahil alam mong kahinaan ko ang mga bituin
Natagpuan kita sa pagitan ng laban at paalam
Nakikipagdigma sa tadhana
Dahil ang sabi mo, iyon ang tama
Natagpuan kita sa pagitan ng ngayon at bukas
Masaya ngunit lumuluha
Hindi ko alam kung anong paniniwalaan ko
Kung ang ngiti mo ba o ang luha mo
Natagpuan kita sa pagitan ng mahal kita at ng minahal kita
Ngunit nagdurugo ka na

Patawad
Dahil kung minsan, mas nauuna pa ang dila kong pumutak
Kaysa mag-isip ang kulubot kong utak
Patawad dahil kung minsan
Nauuna pa ang pagmulat ng aking mga mata
Kaysa sa pagtibok ng puso kong hinahapo na
Patawad dahil kung minsan
Binabalewala ko ang mga tenga mong hindi napapagod sa
Pakikinig sa bawat pantig na niluluwa ng aking bibig
Kahit minsan wala naman talagang kwenta
Ang mga binibitawan kong salita
Patawad
Kung isa ako sa dahilan ng pagsikip ng ‘yong mundo
Kung ang dating payak ay naging komplikado
Patawad
Kung isa ako sa nagpunla ng takot sa loob mo

Na unti-unting lumaki at ngayon ay iyo nang inaani
Patawad
Kung mas pinili kong magtago
Para lang hanapin mo
Kahit na ang dapat mong hanapin ay ang sarili mo
Naging makasarili ako
Kaya’t heto, nagkasalisi tayo
Sabay tayong naghanap
At sabay rin tayong nagtago
Nakakapagod pala ang laro
Akala ko kasing simple lang ng pagbilang mula isa hanggang sampu
Pero hindi pala
Kaya’t patawad
Dahil hindi ko na kayang makita kang nagdurugo sa pagitan
Ng gabi at umaga
Ng laban at paalam
Ng ngayon at bukas
At ng mahal kita at minahal kita
Hindi ko na kayang makitang nasasaktan ka
Kaya’t mahal,
Malaya ka na.

watch it here:https://youtu.be/fVAHaJl5Psw